Isasalang na para sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10521 na magpapalakas sa professionalism at magsusulong ng pagpapatuloy ng mga polisiya at modernisasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nakalusot na kasi sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukala at inaasahang agad na mapapagtibay bago ang Christmas break.
Inaalis sa panukala ang nakasanayan na “revolving door policy” sa organisasyon kung saan tanging mga karapat-dapat ang itatalaga upang maprotektahan ang organisasyon at ang selection process ng military ranks mula sa political at personal considerations.
Sa panukala ay layong bigyan ng fixed-term ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief-of-Staff at iba pang mahahalagang posisyon sa hukbong sandatahan.
Nakasaad din dito na gawing tatlong taon na ang “tour of duty” ng Chief-of-Staff, Vice COS, Deputy COS at iba pang major service commanders sa Army, Airforce at Navy.
Inaalis na rin ang compulsory retirement age na 56 taong gulang, ibig sabihin kailangang tapusin ng isang opisyal ang kanyang termino at makakapagretiro lamang ang mga ito pagkatapos ng kanilang termino maliban na lamang kung sinibak o hindi pinayagang maluklok sa “table of organization” ng AFP.