Panukala para sa pagsusulong ng kapakanan ng mga BPO employees, inihain muli sa Kamara

Isinusulong muli ng MAKABAYAN Bloc sa Kamara ang panukala para sa proteksyon at pagsusulong ng mga karapatan ng mga Business Process Outsourcing o BPO employees.

Sa House Bill 5754 na inihain ng MAKABAYAN, isinusulong ang pagkakaroon ng maayos na sahod, Security of Tenure, sapat na breaks sa trabaho, medical benefits at karapatan na makapag-organisa ng union.

Nakasaad sa panukala na may mga BPO companies sa labas ng Metro Manila ang nagpapasahod sa mga newly-hired employees ng P5,000 habang sa NCR ay mayroong P12,500 kada buwan na sahod at nakadepende pa ang insentibo sa performance o quota na itinatakda sa mga empleyado sa call center.


Bukod dito, napagkakaitan din ng sapat na breaks ang mga BPO workers dahil kinakailangan nilang tutukan ang mga queues o tuloy-tuloy na pasok ng mga tawag.

Tumaas din ang bilang ng mga nasa BPO industry ang may sakit ng insomnia, fatigue, stress na nauuwi sa malalang pagkakasakit dahil sa sobra-sobrang pagtatrabaho.

Pinatitiyak ng panukala na maaayos ang working environment at hindi naaabuso sa trabaho ang mga Pilipino sa BPO industry.

Ang Pilipinas ay pangalawa sa may pinakamalaking BPO industry at nakapagtala ng $25 Billion na kita noong 2018.

Facebook Comments