Panukala para sa pagtaguyod ng karapatan ng LGBTQIA community, nakabitin sa Senado

Nabibitin ngayon ang panukalang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill sa Senado.

Ito ay matapos i-refer ang panukala sa Committee on Rules para mas mapag-aralan pa ito.

Kaugnay dito ay nagkaroon ng bahagyang pagtatalo sa plenaryo sina Senators Risa Hontiveros na siyang nagsusulong ng panukala at si Senate Majority Leader Joel Villanueva.


Kinukwestyon ni Hontiveros kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring itinatakdang petsa kung kailan niya ma-i-sponsoran ang panukala sa plenaryo gayong Disyembre pa ng nakaraang taon ay nakahanda na ang committee report ng panukala.

Ayon naman kay Villanueva, may mga natanggap silang liham ng pagtutol sa panukala mula sa iba’t ibang religious groups at humihiling ang mga ito na magsagawa pa ng public hearing dahil hindi sila nakunsulta.

Sinabi ni Villanueva na nakipag-usap siya sa mga mambabatas at mayorya ay sumang-ayon na i-refer ito sa Committee on Rules na kanyang pinamumunuan.

Bagama’t nirerespeto ni Hontiveros ang desisyong ito ng mga kasamang mambabatas ay mariin siyang tumututol dito.

Bukas naman ang senadora sa pakikipag-usap sa mga religious groups patungkol sa mga agam-agam nila sa panukalang batas.

Facebook Comments