Panukala para sa pagtatayo ng evacuation center sa bawat barangay, pina-aapura na!

Pinamamadali ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate sa liderato ng Kamara ang pag-apruba sa panukalang pagtatayo ng mga evacuation centers sa buong bansa.

Ang panawagan ni Zarate ay sa gitna na rin ng magkakasunod na bagyo sa gitna ng pandemya kung saan kailangang ipatupad naman ang mahigpit na social distancing sa mga evacuation centers.

Giit ng kongresista, ngayon higit na kailangang aksyunan ang House Bill 5259 o ang Evacuation Centers Bill dahil karamihan sa normal evacuation centers sa mga lungsod at lalawigan ay ginagamit ngayong quarantine facilities para sa mga pasyenteng may COVID-19.


Sa ilalim ng panukala ay dapat resilient sa bagyo, lindol at iba pang kalamidad ang itatayong evacuation centers sa bawat barangay na lalagyan din ng imbakan ng relief goods at iba pang kagamitan para matiyak ang kaligtasan ng evacuees.

Hanggang ngayon aniya ay mga basketball courts, paaralan at simbahan pa rin ang ginagamit na evacuation centers tuwing may kalamidad.

Dagdag pa ni Zarate, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nakita na ang problemang ito at nangakong magpapatayo ng permanenteng mga evacuation center.

Facebook Comments