Pinagtibay na sa unang pagbasa ng House Committee on Health ang pagtitipon o stockpiling ng mga bakuna tulad ng COVID-19 vaccine at iba pang critical drugs at medical suuplies.
Ayon kay Committee on Health Chairperson Angelina Tan, may-akda ng inaprubahang House Bill 6995, iginiit nito ang kahalagahan na mapaigting ng bansa ang paghahanda sa anumang pandemya at natural disasters.
Sa ilalim ng panukala ay bubuo ang Department of Health (DOH) ng “Health Procurement and Stockpiling Bureau” na siyang titiyak sa stockpiling, conservation at mamamahala sa access at paglalabas ng sapat na bilang ng bakuna, medical devices at iba pang kagamitang kakailanganin tuwing may public health emergency.
Ang suplay para sa mga kakailanganing bakuna, medical devices at supplies ay kukunin sa local sources.
Lilikha rin ang DOH ng stockpiling fund kung saan maaaring mag-solicit ng donasyon at magsagawa ng fund-raising activities at ang proceeds o makokolektang pondo ay ililibre sa pagbabayad ng income tax, donor’s tax at iba pang uri ng buwis.
Tinukoy ni Tan na ang COVID-19 pandemic ay naka-apekto sa produksyon at distribusyon ng mga pharmaceuticals at medical devices sa buong mundo.
Bukod dito, nabitin din ang suplay ng mga raw materials, active pharmaceutical ingredients, excipients, packaging materials at finished medical products na makakatulong sana agad sa paglaban sa COVID-19 at iba pang sakit.