Kaugnay sa International Women’s Day ay inihain ng pitong senadora ang Senate Bill No. 2088 o Panukalang Gender Responsive and Inclusive Pandemic Management Bill.
Layunin ng panukala na mabigyan ng espesyal na proteksyon ang mga kababaihan sa panahong may national emergency tulad ng mga kalamidad at ang hinaharap natin ngayong COVID 19 pandemic.
May akda ng panukala si Senator Risa Hontiveros at co-author sina Senators Nancy Binay, Pia Cayetano, Leila De Lima, Imee Marcos, Grace Poe at Cynthia Villar.
Nakapaloob sa panukala ang pagkakaroon ng mga programang magbibigay proteksyon sa mga babae at papatulungin din sila sa mga patakaran na ipatutupad ng pamahalaan kapag may umiiral na national emergency.
Sa kanyang talumpati sa plenaryo ay sinabi ni Hontiveros na ang panukala ay para sa mga nanay, nars, barangay health workers, manggagawa, domestic workers, mga biktima ng sekswal at pisikal na pang-aabuso at mga wala sa oras na nabuntis dahil sa kawalan ng maayos na serbisyong pangkalusugan.
Ayon kay Hontiveros, ito ay para sa bawat Pilipina, ngayon at sa mga susunod na henerasyon, upang hindi ulit mangyari ang pagdudurusa na naranasan ng mga kabahaihan ngayong COVID-19 pandemic.