Panukala para sa regulasyon ng electronic nicotine and non-nicotine delivery systems at heated tobacco products, pasado na sa plenaryo ng Kamara

Tuluyan nang pinagtibay sa Kamara ang panukala na nagre-regulate sa electronic nicotine and non-nicotine delivery systems (ENDS/ENNDS) at heated tobacco products (HTPs).

Sa botong 192 Yes, 34 No at 4 Abstention ay naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 9007 o Non-Combustible Nicotine Delivery Systems Regulation Act (House Bill 9007).

Nakasaad sa panukala na ipinagbabawal ang pagbebenta, pagbili, at paggamit ng ENDS/ENNDS o HTPs sa mga indibidwal na wala pang 18 taong gulang.


Hindi rin maaaring magbenta ng ENDS/ENNDS o HTPs sa loob ng 100 metro mula sa paaralan at playground.

Ipagbabawal din ang paggamit ng ENDS/ENNDs o HTPs sa mga lugar na kulob maliban na lamang kung ito ay itinalagang vaping area.

Ipinagbabawal din ang paggamit ng electronic cigarettes sa mga paaralan, ospital, tanggapan ng gobyerno at mga lugar kung saan madalas mayroong menor de edad.

Ang mga susuway ay papatawan ng P500,000 multa para sa unang paglabag, P750,000 sa ikalawang paglabag, at P1 million sa ikatlong paglabag at/o pagkakulong na hindi hihigit sa anim na taon.

Facebook Comments