Ngayong araw ng paggunita ng ika-49 na deklarasyon ng Martial Law, umapela si Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, sa liderato ng Kamara na madaliin ang pag-apruba sa panukala para sa “reparation” ng mga biktima ng karapatang pantao noong panahon ng rehimeng Marcos.
Nananawagan si Zarate sa House leadership na paspasan ang pagpapatibay sa House Bill 7678 na mahigit isang taon nang nakahain sa Kamara.
Bukod sa pagtiyak sa bayad-pinsala sa mga biktima ng human rights sa panahon noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, paraan din ang panukala para mabayaran ang mga biktima na hindi nabigyan ng kompensasyon sa ilalim ng Republic Act 10368.
Abot sa 60,000 na claims ng human rights victims ang na-deny ng Human Rights Victims Claims Board (HRVCB) habang 6,000 lamang na claims ang napagbigyan na maiapela at maaksyunan.
Sinabi ng kongresista na libu-libong biktima ng karapatang pantao ang hindi pa rin napagbigyang maghain ng claim sa ilalim ng RA 10368 sa iba’t ibang kadahilanan.
Panahon na aniyang maipagkaloob ang hustisya at kompensasyon sa mga biktima ng Marcos dictatorships dahil mahabang panahon na silang naghirap at nagsakripisyo.