Panukala para sa sapat na pagkain, hiniling na pagtibayin na sa lalong madaling panahon

Nanawagan ang National Food Coalition (NFC) sa Kamara na hikayatin ang Senado na pagtibayin na ang Right to Adequate Food Bill na tutugon sa kagutuman ng mga Pilipino.

Sa ginanap na pagdinig ng Committee on Human Rights, iginiit ni NFC Convenor Aurea Teves na dahil sa paglaganap ng community pantries sa bansa ngayong pandemya, mas lalong kailangan nang ipasa ang panukala na sagot sa kagutuman at titiyak na may sapat na pagkain ang mga mahihirap na Pilipino.

Hiniling ni Teves sa mga kongresista na himukin si Senator Richard Gordon, Chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights na aprubahan na ang Senate Bill 2128 o panukalang Right to Adequate Food Act.


Ang bersyon naman nito sa Kamara na House Bill 8242 ay tuluyan nang napagtibay sa huling pagbasa noon pang Pebrero.

Hiling din ni Teves na gawin itong priority program sa ilalim ng Duterte administration.

Sa ilalim ng isinusulong na panukala ay lilikha ng Commission to the Right to Adequate Food sa ilalim ng Office of the President na siyang magtatakda ng target para sa hunger reduction sa bansa.

May mandato ito na ibaba ang kagutuman ng bansa sa 25% sa kada dalawa at kalahating taon mula nang ito ay mapagtibay o 75% na kabawasan sa kagutuman sa loob ng pito at kalahating taon.

Facebook Comments