Manila, Philippines – Pinamamadali ni Magdalo Partylist Rep. Manuel Cabochan sa Kamara ang agad na pag-apuba sa panukala para sa security of tenure ng mga casual at kontraktwal na empleyado ng gobyerno at mga LGUs.
Bumuo na ng Technical Working Group (TWG) ang House Committee on Civil Service and Professional Regulation para pag-aralan at pagsamahin ang mga panukalang inihain sa Kamara.
Giit ni Cabochan, ang pamahalaan ang maituturing na ‘biggest employer’ na sangkot sa malawakang kontraktwalisasyon.
Batay aniya sa tala ng Civil Service Commission (CSC), mayroong 96,000 na contractual workers at 36,600 casual employees ang nagtatrabaho sa gobyerno at sa mga lokal na pamahalaan.
Sa kabilang banda ay mayroon namang 158,477 na unfilled o bakanteng regular position sa pamahalaan.
Nakasaad sa House Bill 52 na inihain ni Cabochan na ang mga casual at contractual government employees na nakapagserbisyo na ng lima hanggang 10 taon sa mga ahensya ng gobyerno o kaya ay sa LGU ay entitled na sa security of tenure.