Aprubado na sa Kamara ang panukala na layong tulungan ang industriya ng pelikula at musika na pinalubog din ng epekto ng pandemya.
Sa botong 195 na pabor at walang tumutol ay nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10541 o ang “Film and Live Events Recovery Bill” kung saan bibigyan ng tax exemptions at subsidiya ang creative industry ng bansa.
Layon ng panukala na matiyak ang kabuhayan para sa mga Pilipino na nagtra-trabaho sa mundo ng entertainment kabilang ang pelikula, musika, live events at iba pang kahalintulad.
Oras na maging ganap na batas, ibababa sa 5% mula sa 10% ang “amusement tax” na kinokolekta mula sa mga may-ari, operators o nangungupahan sa mga teatro, sinehan, concert halls, boxing stadiums at ilan pang kaparehong lugar.
Bukod dito, “exempted” sa amusement tax ang locally-produced operas, concerts, dramas, musical plays, recitals, painting at art exhibitions, flower shows, musical programs, literary, oratorical presentations at local film productions.
Tinitiyak din na hindi bababa sa 10% ng equity ng lokal na produksyon ay dapat “Filipino-owned”.