Panukala para sa transparent na budget process, inaasahang pagtitibayin na ng Kongreso

Hinikayat ni San Jose del Monte City Rep. Florida “Rida” Robes ang Kamara na pagtibayin na ang kanyang panukalang batas na nagsusulong ng transparency sa proseso ng pagtalakay at pag-apruba ng budget.

Una nang pumasa sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang House Bill 7407 patungkol sa participatory budgeting kung saan maaaring makilahok ang publiko sa deliberasyon ng taunang pondo sa Kongreso.

Ayon kay Robes, Chairman ng House Committee on People’s Participation, mahalaga ang naturang panukalang batas dahil gagawin nitong transparent at participatory ang pagtalakay sa taunang pondo at makikibahagi rito ang grassroot organizations.


Naniniwala ang kongresista na sa ganitong paraan ay magkakaroon ng boses ang publiko kung paano dapat gastusin ang pondong ipinapasa ng Kongreso at matitiyak na tumutugon ito sa pangangailangan ng mga Pilipino.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng notices ng hearings, tatanggap ng budget documents at magsusumite rin ng sariling proposals ang mga accredited civil society organizations na lalahok sa budget preparation ng mga ahensya ng gobyerno.

Uupo rin ang mga ito bilang resource persons sa budget deliberations sa Kongreso at mag-o-observe sa bicameral conference committee meetings.

Facebook Comments