Ipinasasabatas sa lalong madaling panahon ni Senator Alan Peter Cayetano ang pagtataas ng sahod, insentibo at benepisyo ng barangay health workers (BHWs).
Naniniwala si Cayetano na isa sa epektibong paraan para mapalakas ang primary healthcare system ng bansa ay ang pagtatakda ng sapat na bilang ng BHW sa bawat barangay sa bansa at pagtataas ng status nila mula sa volunteer sa pagiging empleyado ng lokal na pamahalaan.
Nakasaad sa inihaing Senate Bill 68 ni Cayetano na sa panahon ng COVID-19 pandemic, ang BHWs ang siyang nangunguna sa pagtugon sa sakit sa mga barangay at siyang nagsilbing tulay para sa komunikasyon sa pagitan ng health centers at mga constituent.
Sinabi ni Cayetano na malaking tulong ang BHWs sa ‘door-to-door’ na paghahatid ng mga gamot, vaccination drives at contact tracing efforts.
Sa pamamagitan ng SB No. 68, nais pataasin ni Cayetano ang katayuan ng mga BHW sa pamamagitan ng pagtakda sa kanila bilang mga empleyado ng Local Government Units (LGUs).
Sa panukala, bukod sa itataas ang katayuan ng BHWs bilang mga empleyado ng LGUs, makakatanggap din ang mga ito ng kompensasyon at benepisyo na parehong ibinibigay ng mga siyudad at munisipalidad sa kanilang mga job order, contractual, casual o regular employees.
Lilikha rin ng isang Special Barangay Health Workers Assistance Program na magbibigay ng karagdagang tulong para sa financial at technical assistance, training at iba pang tulong sa BHWs para sa mapipiling LGU.
Ipaprayoridad naman ng programa ang pagbibigay ng tulong na sa LGUs na may maliit o walang kapasidad para magbigay ng regular at sapat na sahod at allowance sa BHWs sa susunod na sampung taon na siyang tutukuyin naman ng DOH at DILG.