Panukala sa pagbuo ng Department of Water Resources, inaasahang mapapagtibay pa bago matapos ang 18th Congress

Umaasa ang mga may-akda ng Department of Water Resources (DWR) na maaaprubahan pa ito bago matapos ang 18th Congress.

Ito ay dahil nakabinbin pa rin sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 9948 o “National Water Act” na layong magkaroon na ng “single national agency” na tututok sa pamamahala sa water utilities sa ating bansa.

Binibigyang mandato ng panukala ang DWR na tiyakin ang maaasahan, ligtas, at abot-kayang suplay ng tubig para sa publiko, at mapigilan ang “water crisis” sa ating bansa.


Ililipat sa ahensya ang mga tungkulin ng “water agencies” ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Magiging attached agencies naman ng DWR ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Local Water Utilities Administration, Laguna Lake Development Authority, Pasig River Rehabilitation Commission, at National Irrigation Administration.

Magkakaroon din ng “Water Trust Fund” na gagamitin para sa water development, sanitation at waste treatment and management maging sa mga programa o proyekto para sa water sustainability.

Facebook Comments