Umaapela ang Department of Justice o DOJ sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso na magkaroon ng legislation laban sa tinatawag na “demanda-me scheme” na inaabuso ng ilang mga dayuhang nananatili sa ating bansa.
Ayon kay Justice Asec. at Spokesperson Mico Clavano, umaasa ang DOJ na magpapasa ang mga mambabatas ng panukala upang tuluyan nang matigil ang naturang diskarte.
Nauna nang isiniwalat ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ang pakanang demanda-me sa budget hearing sa Senado.
Sa demanda-me, ang mga “overstaying o undesirable” na dayuhan ay nagpapa-kaso ng sarili sa piskalya o korte.
Kapag may nakabinbing kaso laban sa sinumang foreign national, makakaiwas sila o hindi sila maisasalalim sa deportation.
Karaniwang kaso ay “violence against women and children” o kaya’y estafa kung saan may mga kasong mahihina o kaya ayvgawa-gawa lamang.
Sinabi ni Clavano na may mga emhabada na rin ang lumalapit sa DOJ at nagpapatulong na i-deport na ang mga dayuhang pugante.
Tiniyak naman ni Clavano na handa ang DOJ na ibigay ang lahat ng mga kailangang impormasyon para mapag-aralan ng Kamara at Senado ang kanilang hiling laban sa demanda-me.