Tiwala si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na makakaabot sa mesa ng pangulo bago magpasukan ang panukalang 96% tax discount para sa mga pribadong paaralan.
Mabilis lamang na naaprubahan sa ikalawang pagbasa ang House Bill 9913 kasunod na rin ng malawakang consensus na ang panukala ay kinakailangang madaliin.
Sa ilalim ng panukala, ang 10% preferential tax rate na ipinapataw sa mga proprietary educational institutions ay ibaba sa 1% mula July 1, 2020 hanggang June 30, 2023.
Pagkatapos naman ng panahong ito ay itatakda na sa 10% ang tax rate ng mga proprietary educational institutions, salig na rin sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE).
Ang naunang 1% tax rate ay katumbas ng 96% tax discount sa mga private school mula 2020 hanggang 2023, habang 60% naman na tax discount sa oras na itakda ang 10% tax rate.
Sinabi ni Salceda na tulad sa naging pangako ng Kongreso sa mga private school ay mahigpit nilang babantayan na mabigyan ng bawas sa buwis ang mga ito nang sa gayon ay maibaba rin ang matrikula at magamit ang pondo ng mga pribadong paaralan sa pag-hire ng mga bagong guro.