Manila, Philippines – Pinuri ng labor group na Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang Senate Bill 10 na inihain ni Senator Vicente Sotto na mag-oobliga sa private employers na bigyan ng 14th month pay ang kanilang manggagawa.
Sa kanilang inilabas na pahayag, sinabi ni TUCP President Raymond Mendoza, ang panukala ay angkop lamang na ibigay sa mga manggagawa na naging instrumento sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi pa ni Mendoza, ang ekonomiya ng Pilipinas ay lumalago at very competitive na sa rehiyon.
Ngunit ang mga manggagawa at kanilang mga pamilya ay nananatiling mahirap habang ang mga employers at business owners ay namumuhay sa luho.
Hindi sinisisi ng labor group ang mga ito para sa kanilang economic well-being ngunit ang mga manggagawa ay dapat ding makakuha ng kanilang makatarungang parte at ang 14th month pay bill ay isang paraan na tiyak gagawin ng lahat ng kumpanya.