Panukalang 14th Month pay sa lahat ng empleyado, isinusulong ni Senate President Tito Sotto

Pinangunahan ni Senate President Tito Sotto III ang paghahain ng priority bills sa senado.

Ito ay tatlong linggo bago ang pagbubukas ng 18th Congress.

Kabilang sa mga isinusulong ni Sotto ay ang pagbibigay ng 14th Month Pay sa mga empleyado ng mga pribadong kumpanya.


Dapat may 14th Month Pay ang mga empleyado kahit ano pa ang posisyon nito sa kumpanya basta pumasok ito ng hindi bababa sa isang buwan.

Handa naman si Sen. Joel Villanueva na dinggin ang panukala kapag siya muli ang maging Chairperson ng Committee on Labor.

Naghain din si Sotto ng Anti-Fake News Bill para ipagbawal ang pagkakalat ng pekeng balita sa internet.

Isinusulong din ni Sotto ang pagbaba sa Age of Criminal Responsibility sa 12-anyos.

Maliban kay Sotto, naghain din ng kani-kanilang Priority Bills kahapon ay sina Sen. Panfilo Lacson, Kiko Pangilingan, Ralph Recto, Pia Cayetano, Richard Gordon, at Bong Revilla.

Naipasa na rin nina Sen. Sonny Angara, Nancy Binay at Grace Poe ang kanilang mga panukala.

Ngayong araw naman ay inaasahang ihahain ng mga baguhang senador ang kanilang mga panukala.

Facebook Comments