
Binigyang-diin ni Senator Panfilo Lacson na hindi maaaring ibalik ng Kamara sa Malacañang ang P6.7 trillion 2026 national budget matapos makitaan ng mga maling detalye.
Ayon kay Lacson, batay sa Budget 101, hindi pwedeng ibalik ng Kongreso ang National Expenditure Program (NEP) dahil budget proposal pa lang ito at hindi pa enrolled na para sa pag-apruba o line-item veto ng pangulo.
Para maiwasto ang nakitang mali sa pambansang pondo partikular sa panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakitaan ng kwestyunableng flood control projects, maaaring magsumite ang DPWH ng errata sheets at idaan ito sa Department of Budget and Management (DBM).
Ito ay pag-aaralan at depende na kung tatanggapin o i-a-adopt ng Kongreso.
Sa kabila ng rekomendasyon ng mga kongresista na ibalik sa Malacañang ang pambansang pondo, napagkasunduan naman sa Senado na tuloy pa rin ang deliberasyon sa national budget dahil ang isyu lang ay sa DPWH.









