Aprubado na sa plenaryo ng Senado ang panukalang Property Valuation and Assessment Reform Act o ang Senate Bill 2386.
Sa botong 23 na pabor at wala namang pagtutol ay nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ng Mataas na Kapulungan ang panukalang reporma sa valuation ng real properties at amnestiya para sa mga hindi nakapagbayad ng buwis sa real property.
Sa oras na maisabatas naman ay ipatutupad ang dalawang taong amnestiya para sa mga hindi nakapagbayad ng real property tax kung saan hindi mapapatawan ng penalty at interest ang taxpayer.
Nakasaad pa sa panukala na matapos ang dalawang taong amnestiya ay magkakaroon ng bagong schedule o antas ng buwis sa real properties at bagong sistema sa pagtukoy ng halaga ng real properties.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, sponsor ng panukala, inaasahan na sa pamamagitan nito ay maitataas ang koleksyong buwis ng pamahalaan sa mga real properties.