
Iginiit ng tanggapan ni Senator Robinhood Padilla na hindi “gimmick” o “theatrics” ang panukalang batas na annual mandatory drug test sa lahat ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan kabilang ang Pangulo.
Inihain ni Padilla ang Senate Bill 1200 o ang panukalang “Drug-Free Government Act” na layong amyendahan ang Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nataon naman ang paghahain ng panukala sa pagbibitiw ng kanyang political affairs officer na si Nadia Montenegro matapos na madawit sa isyu ng paggamit ng marijuana sa loob ng Senado.
Sa statement na inilabas ni Atty. Rudolf Philip Jurado, Chief of Staff ni Padilla, maituturing na preventive at accountability tool ang panukala na layong tiyakin na ang mga public servants ng bansa ay mayroong moral ascendancy na magpatupad ng mga batas.
Sa ilalim ng panukala, gagawing mandatory ang annual hair follicle drug test para sa lahat ng mga nasa pamahalaan, mula sa lokal na opisyal hanggang sa mga itinalaga sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs).









