Sa botong pabor ng 256 na mga kongresista at walang tumutol ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 7393 o panukalang Anti-Financial Account Scamming Act.
Layunin ng panukala na proteksyunan ang publiko laban sa cybercrime scheme o mga nagnanakaw ng impormasyon at pera mula sa bangko at e-wallet.
Sa pamamagitan ito ng pag-regulate sa mga bank account at e-wallet at pagpaparusa sa mga money mule at nasa likod ng mga social engineering scheme.
Sa ilalim ng panukala, ang money mule o mga nagnanakaw, kumukuha, tumatanggap, naglilipat, o nagwi-withdraw ng pera o pondo sa mga banko o e-wallet ay makukulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at pagmumultahin ng P100,000 hanggang P200,000.
Iniuutos naman ang anim hanggang 12 taon na pagkakulong at multang P200,000 hanggang P500,000 sa mha mga nasa likod ng social engineering scheme o panloloko para makuha ang confidential o personal na impormasyon ng mga may-ari ng bank account o e-wallet.
Base sa panukala, ituturing naman na economic sabotage na ang parusa ay habambuhay na pagkakakulong at multang P1 milyon hanggang P5 milyon kung ang scheme ay ginawa ng isang sindikato o grupo na mayroong tatlo o higit pang miyembro, o ang target na biktima ay tatlo o higit pa.