Panukalang “Anti-Kamote Driver Law,” inihain sa Kamara

Isinulong ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Rep. Margarita “Migs” Nograles na mabigyan ng proteksyon ang mga responsableng driver laban sa kaparusahan tulad ng pagkakakulong kung masangkot sila sa aksidente na kagagawan ng mga “kamote driver.”

Nakapaloob ito sa inihain ni Nograles na House Bill No. 10679 o Defensive Driving Act of 2024 na tatawagin ding “Anti-Kamote Driver Law.”

Ang “kamote driver” ay tumutukoy sa mga pasaway at iresponsableng driver na karaniwang pinagmumulan ng mga aksidente sa kalsada.


Inihalimbawa ni Nograles ang driver ng isang Asian Utility Vehicle na nakulong makaraang masawi ang rider ng sumalpok sa kanyang motorsiklo na nag-counter flow sa Skyway Stage 3.

Inuutos ng panukala ni Nograles na hindi ikukulong ang driver kung agad silang makakapagpakita ng ebidensya tulad ng picture o video na defensive driving ang kanilang ginawa at sumunod sila sa batas-trapiko.

Facebook Comments