
Hinikayat ni Raffy Tulfo ang agarang pag-apruba sa Senado ng panukalang “Bagong Balikbayan Act” o Senate Bill No. 1839.
Ipinunto ni Tulfo na dahil sa kaguluhan sa Middle East, tinatayang aabot sa 2.44 milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang posibleng ma-displace, mawalan ng trabaho, at mapilitang umuwi sa Pilipinas.
Ayon sa senador, kapag nakabalik na sa bansa ang mga OFW, mahalagang may maayos na reintegration program ang pamahalaan upang matulungan silang makapagsimula muli at makapagpalago ng kabuhayan.
Binigyang-diin din ni Tulfo na kabilang sa mga priority measure sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang tinatawag na National Reintegration Bill, kaya mahalaga aniyang maipasa ito sa lalong madaling panahon lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng mga OFW na apektado ng krisis sa rehiyon.
Maliban sa pagbibigay ng sistema at tiyak na kabuhayan para sa mga magbabalik na OFW, nakatuon din ang reintegration sa psychosocial, panlipunan, at community-based support systems.










