Pabor ang Department of National Defense (DND) na magkaroon ng pagbabago sa sistema sa pensyon ng mga Military at Uniformed Personnel (MUP).
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, isa sa kanilang pangunahing mandato ay masigurong maayos ang kapakanan ng lahat ng sundalo partikular kung tama ang kanilang natatanggap na benepisyo sa pagreretiro.
Sa kasalukuyan kasi, ang Military at Uniformed Personnel pension system ay subsidized ng gobyerno na maaaring sa mga susunod na panahon ay hindi na kayang paglaanan ng pondo ng pamahalaan at maging pahirap sa mga tax payers.
Sa ngayon, patuloy na tinatalakay sa kongreso ang proposed MUP pension reform para makahanap ng paraan kung paano mapapanatili ang benepisyo ng mga retiradong military at uniformed personnel.
Pagtitiyak ni Lorenzana, prayoridad ngayon ng DND ang pakikipag-usap sa mga mambabatas para sa mga retirees.