Manila, Philippines – Hindi nagtatakda ng anumang limitasyon sa kasarian ang 1987 Constitution pagdating sa usapin ng pagpapakasal.
Ito ang isa sa mga argumento ni Atty. Darwin Angeles, abugado ng mga petitioner, sa ginawang oral arguments ng Korte Suprema kaugnay sa kahilingan na ideklarang unconstitutional ang Article 1, 2, 6 at 55 ng Family Code na nagsasabing ang pagpapakasal ay sa pagitan ng lalaki at babae.
Ayon kay Angeles, napagkakaitan ng kinukuwestiyong mga probisyon sa Family Code ang mga nasa hanay ng LGBT o Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender ng kanilang pangunahing karapatan na magpakasal nang dahil lamang sa kanilang kasarian.
Naniniwala naman si Atty. Jesus Falcis, petitioner sa kaso, na sa ilalim ng equal protection of laws na bahagi ng probisyon ng 1987 Constitution, dapat na kilalanin ang LGBT bilang class o grupo na may karapatan sa pagpapakasal.
Inihayag din ni Falcis ang pagkabahala ng mga LGBT na hindi nila maaring saklawin sa kanilang benepisyo gaya ng GSIS at PhilHealth ang kanilang partner dahil hindi kinikilala ng batas ang kanilang pagsasama.
Hindi rin sila papayagan ng ospital na gumawa ng desisyon para sa kanilang katipan at kahit hanggang sa funeral arrangement ay wala rin silang ligal na karapatan.
Nilalabag din anila ng mga probisyon sa Family Code ang right to liberty, equal protection at religious freedom ng mga petitioner.