Wednesday, February 11, 2026

Panukalang batas kaugnay sa West Philippine Sea, dapat sertipikahang urgent ni PBBM

Umaapela si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang mga panukalang may kaugnayan sa West Philippine Sea (WPS).

Pangunahing tinukoy ni Diokno ang House Bill No. 1625 o ang panukalang West Philippine Sea Mandatory Education Act of 2025, na inihain niya kasama sina Akbayan Representatives Perci Cendana at Dadah Kiram Ismula, Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima, at Albay 1st District Rep. Cielo Krisel Lagman.

Ayon kay Diokno, tugon ang panukala sa kakulangan ng kaalaman at pang-unawa ng publiko sa maritime rights at boundaries ng Pilipinas.

Sa ilalim ng panukala, ituturo sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa ang isyu ng WPS, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague.

Binigyang-diin ni Diokno na mahalagang maunawaan ng mga Pilipino, lalo na ng kabataan, ang kasaysayan, karapatan, at mga katotohanang nakabatay sa international law kaugnay ng WPS.

Facebook Comments