Panukalang batas na layuning iurong ang petsa ng pasukan, pinirmahan na ni Pangulong Duterte

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na nagbibigay kapangyarihan sa kanya na iurong ang petsa ng pagbubukas ng klase na iba sa itinakdang batas.

Inamyendahan ng nasabing batas ang Republic Act 7797 partikular ang bahagi na nagsasabing ang opening ng klase ay dapat gawin sa pagitan lamang ng unang lunes ng Hunyo at hindi lalagpas sa huling araw ng Agosto.

Sa bagong batas, papayagan ang Pangulo base sa rekomendasyon ng kalihim Department of Education (DepEd) na magtakda ng ibang petsa kung may deklarasyon ng State of Emergency o State of Calamity.


Sakop nito ang all basic education schools kasama ang foreign and international schools.

Ipinag-utos naman sa (DepEd) ang pagtatakda ng pagtatapos ng school year, kung saan iko-konsidera ang Christmas at summer vacations at iba pang kundisyon ng kada rehiyon na dapat isaalang-alang.

Pinapayagan din ang pagkakaroon ng Saturday classes para sa elementary at secondary levels para sa public at private schools.

Bubuo ang DepEd ng Implementing Rules and regulations sa loob ng 30 araw matapos ang effective date matapos ang official publication nito sa Official Gazette o sa mga pahayagan.

Nabatid na Biyernes nang pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11480.

Facebook Comments