Panukalang batas na mag-aamyenda sa Government Procurement Law, inaasahang mapagtitibay na ng Senado at Kamara sa Mayo

Buo ang pag-asa ni Senior Deputy Speaker and Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na mapagtitibay na ng Senado at Kamara sa pagbabalik ng session sa Mayo ang bagong Government Procurement Reform Law.

Ang naturang panukala ay pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives pero nakabinbin pa sa Senado.

Ayon kay Gonzales, tinalakay niya ito kay Senate President Juan Miguel Zubiri bago ang Lenten break ng session ng Kongreso simula ngayong linggo hanggang sa April 29.


Binanggit ni Gonzales na napagkasunduan nila ni Zubiri na sa pagbabalik ng session sa Mayo ay pagtitibayin nila ang panukala para mapapirmahan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at maisabatas bago ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo.

Tinukoy ni Gonzales na sa panukalang “Ang Bagong Pilipinas Government Procurement Reform Act” ay ibababa sa 27 araw ang kasalukuyang 72 araw na procurement process ng gobyerno.

Layunin nito na ma-streamline o mapabilis ang procurement process at mahinto na ang delay sa pagpapapatupad ng mga programa at proyekto ng pamahalaan.

Facebook Comments