Panukalang batas na magbabawal ng puwersahang pagpapatrabaho sa mga manggagawa sa kanyang day off, binubuhay sa Senado

Muling inihain ni Senator Francis Tolentino ang panukalang batas na naglalayon na protektahan ang karapatan ng mga manggagawa sa kanilang day off at rest hours.

Sa ilalim ng panukalang workers rest law, pagbabawalan ang employer, manager o supervisor o sinumang opisyal ng kompanya na utusang magtrabaho ang manggagawa na naka-day off o nasa oras ng pahinga.

Bawal din utusang bumihaye, dumalo sa seminar, team building at iba pang mga aktibidad ang empleyado na dapat nakapahinga.


Ito ay maliban na lamang kung emergency o kailangang-kailangan o kaya ay may consent ang manggagawa at overtime pay.

Sa ilalim ng bill, ang sino mang employer, manager o supervisor na lalabag dito ay maaaring pagmumultahin ng ₱1,000 para sa bawat oras ng pag-obliga na magtrabaho ang manggagawa na naka-day off.

Maaari ring makulong ng isa hanggang 6 na buwan kapag pinag-initan ang empleyado.

Ayon kay Tolentino, isinulong nya ito para sa mga manggagawa na naka-work from home o telecommute na lalo raw bumigat at humaba ang oras ng trabaho dahil sa argumento ng mga employer o mga amo na sila ay nasa mga bahay lamang.

Hindi naman sakop ng panukalang batas ang mga field personnel, kasambahay at output-based workers.

Facebook Comments