Wala nang saysay at hindi na magiging epektibo ang kontrobersyal na UP Security Bill, o House Bill (HB) 10171 na magbabawal sa pulis at militar sa loob ng University of the Philippines.
Sinabi ito ni Cavite 7th District Rep. Jesus Crispin “Boying” Remulla, Senior Deputy Majority Leader of the Committee on Rules, sa lingguhang press conference ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Aniya, hindi na uusad ang hakbang matapos ang unanimous approval sa plenaryo ng kaniyang inihaing “motion for reconsideration” sa naturang panukala nitong September 30.
Dahil dito aniya ay hindi na babalik sa Committee on Rules ang panukala, at sila ang magdedesisyon kung mabubuhay pa ang hakbang.
Ibinunyag naman ni Remulla na isiningit ng Makabayan bloc ang naturang panukala noong kasagsagan ng budgetary process kung kailan abala ang mga mambabatas sa kani-kanilang mga distrito kaya ito muntik makalusot.
Para sa kaniya, kalokohan ang nasabing panukala dahil nilalabag nito ang “equal protection law”, at pabor lang ito sa mga miyembro ng Makabayan bloc.