Panukalang batas na magpaparusa sa mga balimbing sa politika, lusot na sa House Committee Level

Aprubado na sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang House Bill 488 o panukalang Strengthening the Political Party System na magpaparusa sa mga balimbing sa politika.

Inihain ito ni dating pangulo at ngayon ay House Senior Deputy Speaker at Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo.

Nakapaloob sa panukala ang pagpaparusa sa mga balimbing o mga politiko na palipat-lipat ng political party na nagpapakita na wala silang ideological commitment.


Diin ni Arroyo, ang “turncoatism” ay hindi dapat hinahayaan dahil sinisira nito ang konsepto ng “word of honor” at diginidad ng isang tunay na leader.

Sa ilalim ng panukala, ang balimbing na lilipat ng partido isang taon matapos o bago ang eleksyon ay awtomatikong maaalis sa kanyang napanalunang posisyon sa halalan.

Pagbabawalan din itong tumakbo sa anumang posisyon sa paparating na halalan at hindi rin maaring maitalaga sa anumang posisyon sa loob ng tatlong taon.

Sa panukala ni Arroyo ay hindi rin sila maaaring humawak ng posisyon sa lilipatang partido at kailangan nitong ibalik ang lahat ng ginastos o ibinigay sa kanya ng iniwanang partido kasama ang 25% surcharge.

Facebook Comments