Sa botong pabor ng 194 mga kongresista ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill 9713 o ang panukalang Philippine Self-Reliant Defense Posture Program.
Ito ang pang-54 sa 57 mga panukalang batas na isinusulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, layunin ng panukala na palakasin ang depensa ng bansa sa pamamagitan ng military and civilian partnership at lokal na produksyon ng military technology, mga kagamitan kasama na ang mga armas, bala at combat clothing.
Nakasaad din sa panukala ang pagtatag ng Office of the Undersecretary for Defense Technology Research and Industry Development na mangangasiwa sa databank para sa analysis, research at development.
Sa ilalim ng panukala ay bubuo din ng Self-Reliant Defense Posture Trust Fund mula sa savings galing sa annual net income ng government arsenal at share mula sa revenues ng reclamation projects, grants at donasyon at iba pang sources.