Patuloy na binabantayan ngayon ng Pilipinas ang bagong panukalang batas sa Senado ng Estados Unidos na layong wakasan ang dual citizenship.
Hakbang na maaaring makaapekto sa malaking bilang ng Filipino- Americans.
Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Washington, daraan ito sa mahabang proseso ng deliberasyon at maaaring hindi umusad, depende sa desisyon ng Kongreso ng Estados Unidos.
Panukala pa lamang aniya ang nasabing batas at malayo pa bago ito maging ganap na polisiya.
Patuloy ring mino-monitor ng mga tanggapan ng Foreign Service ng Pilipinas sa Amerika ang pag-usad ng panukala at pinapayuhan ang Filipino American community na maging maingat sa anumang hakbang, lalo na sa pag-renounce ng citizenship, dahil hindi ito maaaring baligtarin.
Hinihikayat naman ang publiko na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy o pinakamalapit na konsulado para sa karagdagang impormasyon.
Matatandaang nagkaroon na ng ilang pagtatangka noong mga nakaraan at hinamon din ang isyu ng dual citizenship, ngunit hindi ito nagtagumpay.










