Manila, Philippines – Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na magtatayo ng special hospital para sa mga OFW at mga pamilya nito.
Sa 180 mambabatas na pumabor, lusot na sa Mababang Kapulungan ang House Bill 9194 o pagtatatag ng OFW Hospital.
Ang panukalang batas ay principally authored ni dating Pangulo at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang OFW hospital ay isasailalim sa pangangasiwa ng Department of Health (DOH).
Sa ilalim ng panukala, pinatitiyak sa labor secretary na tumatayong chairperson ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) board na ang kasalukuyang health benefits at medical assistance program ay mapapagtibay, gaya ng subsidiya sa hospitalization at medical procedures para sa mga OFW at kanilang qualified dependents.