Panukalang batas na may matinding parusa laban sa economic sabotage sinertipikahang urgent bill ni Pangulong Marcos

Pinapaapura na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang pagpasa sa panukalang batas na nagpapataw ng mas matinding parusa sa agricultural economic sabotage.

Layunin nitong itaguyod ang pagiging produktibo ng sektor ng agrikultura at protektahan ang mga magsasaka at mangingisda laban sa mga mapagsamantalang negosyante at importers at upang masiguro ang abot kayang presyo ng mga produktong pang agrikultura at pangisda.

Sa panukalang batas ay mas pinatindi ang parusa laban sa smuggling, hoarding, profiteering at kartel ng agricultural at fishery products.


Ilan dito ang parusang habambuhay na pagkakaulong at multa na tatlong beses ang halaga ng nasasangkot na agri at fishery products para sa krimen na economic sabotage.

Ang mga opisyal o kawani naman ng gobyerno na mapatutunayang sangkot sa economic sabotage ay may dagdag na parusang habambuhay na disqualification sa pagpasok sa alinmang public office, pagboto, pagsali sa anupamang public election at pagpawalang bisa o pagbawi sa lahat nitong benepisyo.

Mahaharap din sa kasong kriminal ang sinumang sangkot at nagkasala at may parusang habambuhay na disqualification sa anupamang negosyong may kinalaman sa importation, storage at warehousing at pangangalakal ng mga produkyong pang agrikultura at pangisda.

Kukumpiskahin din ng gobyerno ang lahat ng produktong pang agrikultura at pangisda at mga ari-arian na sangkot sa ginawang krimen katulad ng mga sasakyan, barko, eroplano, storage areas at bodega mga kahon at iba pang containers.

Facebook Comments