Sinimulan nang talakayin sa plenaryo ang panukalang batas na nagbibigay ng option sa government employees na magretiro sa edad na 56.
Ang Senate Bill 2444 na nagbababa sa optional retirement age sa mga kawani ng pamahalaan sa 56 taong gulang mula sa 60 taong gulang ay inisponsoran na ni Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation Chairman Ramon “Bong” Revilla Jr.
Ayon kay Revilla, ang panukala ay tugon sa panawagan ng civil servants at mga guro na ma-enjoy pa nila habang malakas pa ang kanilang retirement at mga benepisyo.
Sinabi pa ni Revilla sa kanyang sponsorship speech na pinag-aralan at tinimbang mabuti ang panukala na hindi ikapapahamak ng pondo ng GSIS.
Aniya pa, wala ring talo rito at hindi maglalaho ang GSIS dahil ang kanilang pagreretiro ay siyang pagpasok naman ng batang civil servants.
Hiling ng senador sa mga kasamahang senador na huwag nang ipagkait sa iilan na maranasan ang benepisyo ng ‘retirement life’ sa mas maagang panahon lalo’t hindi naman ito bago dahil ang mga pulis at sundalo ay 56 ang kanilang retirement age.