Nakatakdang ihain ngayong araw sa Kamara ni Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez ang panukalang batas na naglalayong palawigin ng tatlong buwan ang emergency power na ibinigay kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
Sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ni Rodriguez na hindi pa tapos ang laban ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic at marami pang kailangang gawin ang Pangulong Duterte kung saan maisasakatuparan aniya ito kung palalawigin ng Kongreso ang kanyang emergency power.
Inihalimbawa ng mambabatas ang kinakailangang budget re-alignment para sa mga programa sa pagsugpo sa COVID-19.
Nabatid na may kaparehong panukala rin sa Senado kaya walang nakikitang dahilan si Rodriguez upang magtagal ang pag-apruba rito.
Samantala, tatlong panukalang batas naman na may kaugnayan sa pagtugon ng bansa sa COVID-19 ang inaprubahan ngayong sa Kamara.
Kabilang sa inaprubahan ng Special House Panel on Coronavirus ang panukalang ₱548-billion Philippine Economic Stimulus Act (PESA) at ang Financial Institutions Strategic Transfer Act.
Pasok din ang panukala na magpapataw ng parusa sa sinumang sangkot sa diskriminasyon sa mga tinamaan ng COVID-19 o hinihinalang meron nito, gayundin ang mga health-care workers at iba pang frontliner.