Panukalang batas na nagpapalipat ng pondo sa mga pampublikong ospital para sa mga pasyenteng gumagamit ng guarantee letters, suportado ng DOH

Sinusugan ng Department of Health (DOH) ang isang panukalang batas na layong direktang mailipat sa kanila ang pondo para sa gamot at medical equipment na inilalaan sa Medical Assistance for Indigents and Financially Incapacitated Patients.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na oras na maisabatas ito ay hindi na kailangang humingi ng guarantee letter sa mga mambabatas dahil, meron nang pondo mismo sa mga pampublikong ospital para sa kailangang gamot at medical equipment ng mga pasyente.

Nanggagaling kasi ang pondong ibinibigay sa mga benepisyaryo ng medical assistance sa paraang guarantee letters mula sa mga kongresista at senador.

Sa ilalim aniya ng panukala, hindi na mahihirapan pa ang mga pasyente na lakarin ang kailangang requirements para makakuha lamang ng guarantee letter.

Ayon kay Domingo, kung maisasabatas ito ay nasa mismong mga ospital na ng gobyerno ang kakailanganing budget para sa gamot at equipment na huhugutin mula sa maintenance at operating expenses ng mga ospital.

Facebook Comments