Hindi pa rin umuusad sa Senado ang panukalang batas na naglalayong suspendihin ang “excise tax” ng gasolina at diesel kapag sumirit ang presyo nito sa international market.
Inihain ni Senator Grace Poe ang Senate Bill No. 2445 noong November 2021 ngunit nakabinbin pa rin ito sa Committee on Ways and Means at hindi pa naisalang kahit isang beses sa committee hearing.
Sa ilalim ng panukala, otomatikong sususpindihin ang pagpapataw ng excise tax sa petrolyo kung umabot o lumampas sa 80 dollars ang average na presyo nito kada barrel sa magkakasunod na tatlong buwan.
Sinabi ni Poe na kailangan maibsan ang presyo ng petrolyo dahil apektado nito ang presyo ng pagkain at ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan.
Sa ngayon ay mainit muli ang panawagan para sa suspensyon ng ‘excise tax’ sa petrolyo dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo bunsod ng nangyayaring tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Samantala, inaantabayanan din na magpatawag ng pagdinig ang Senado ukol dito.