Aprubado na sa Senado ang panukalang nagtataas ng sahod sa higit 1.4 Million na kawani ng gobyerno.
Ito ay ang proposed Salary Standardization Law of 2019 (SSL V).
Nasa 21 Senador ang bumoto pabor sa panukala, isa ang nag-abstain para sa ikatlo at huling pagbasa.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairperson, Sen. Sonny Angara, in-adopt nila ang bersyon ng Kamara para hindi na dumaan sa Bicameral Conference Meeting at agad ma-i-deretso ang panukala sa Malacañang para malagdaan agad ito ng Pangulo.
Sa ilalim ng Senate Bill 1219, ang salary adjustment ay ibibigay sa apat na tranches simula sa Enero 2020 at magtatapos sa taong 2023.
Ang bersyon naman nito sa Kamara ay lumusot na sa ikalawang pagbasa at inaasahang maaaprubahan sa Linggong ito.
Ayon kay House Committee on Appropriation Chairperson, Cong. Isidro Ungab, nasa 34.2 Billion Pesos ang inilaan sa ilalim ng Miscellaneous Personnel Benefits Fund para sa implementasyon nito sa susunod na taon.
Bago ito, sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent ang panukala.