Panukalang batas na tuluyang nagbabawal sa paggamit ng wang-wang, inihain ng isang senador

Inihain ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang panukalang batas na nagbabawal sa paggamit ng beacon, siren, at iba pang emergency vehicle lights at audio accessories sa mga sasakyan maliban na lamang sa pinapayagan ng batas.

Sa Senate Bill 2635, tinukoy na ang basta na lamang paggamit ng mga wang-wang, sirena, at mga emergency vehicle lights at audio accessories ng mga pagmamay-aring sasakyan tulad ng mga government officials ay nagiging banta sa kaligtasan sa daan ng mga motorista.

Nakasaad sa batas na ang tanging pinapayagan lamang na gumamit ng mga nabanggit na signaling devices ay ang mga sasakyan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Corrections, Bureau of Jail Management and Penology at iba pang law enforcement agencies.


Hihigpitan din ang pag-manufacture, pag-aangkat, distribusyon, pagbebenta at promosyon ng emergency vehicle lights at audio accessory maliban sa mga volunteer firefighter organizations at private healthcare facilities na gagamit ng private ambulance kaakibat na mayroon itong BJMP o Department of Health (DOH) permit.

Ang sinumang driver na lalabag oras na maisabatas ito ay pagmumultahin ng P1,000 hanggang P5,000 at posibleng makansela ang driver’s license ng isang taon habang ang mga iligal na magma-manufacture at magbebenta ay mahaharap naman sa hindi bababa sa P50,000 at hindi naman tataas sa P100,000 na multa sa kada benta.

Naniniwala si Villanueva na isa ito sa solusyon sa matinding traffic at salig din ito sa executive order na inilabas ng pangulo.

Facebook Comments