Panukalang batas para ipawalang bisa ang mga pekeng birth certificate ng mga dayuhan, aprubado na sa komite ng Kamara

Inaprubahan na ng House Committee on Population and Family Relations ang House Bill 11117 o panukalang “Fraudulent Birth Certificate Cancellation Law.”

Layuning ng panukala na ipawalang bisa ang mga birth certificate na peke o ilegal na nakuha ng mga dayuhan sa pamamagitan ng administrative proceedings.

Inihain ang panukala ng mga kongresistang namumuno at miyembro ng House Quad Committee bilang resulta ng imbestigasyon nito sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.


Lumabas kasi sa mga pagdinig ng Quad Committee na maraming Chinese nationals ang nakabili ng mga lupa at ari-arian gamit ang kwestyunableng mga dokumento na nagpapakitang sila ay mga Pilipino.

Ayon kay Committee Vice Chairperson at Masbate Rep. Olga Kho, prayoridad ang panukala na maisalang sa deliberasyon sa plenaryo sa hangarin na agad itong maipasa at maisabatas.

Diin ni Kho, kailangan ngayon na mapalakas ang integridad at matiyak na maaasahan ang Philippine Civil Registry database para maproteksyunan ang mahahalagang impormasyong taglay nito.

Facebook Comments