Panukalang batas para ma-regular sa trabaho ang mga contractual at casual employees sa gobyerno, inihain sa Kamara

Magkakaroon na ng pag-asa ang mahigit 660,000 contractual at job order employees sa gobyerno na maging regular sa kanilang trabaho kahit wala silang civil service eligibility.

Mangyayari ito kapag naisabatas ang House Bill (HB) 521 o panukalang Automatic Civil Service Eligibility Act na inihain ni Kabayan Party-list Rep. Ron Salo.

Sa record ng Civil Service Commission (CSC) noong 2017, ay na sa mahigit 660,000 ang contractual o casual workers sa gobyerno.


Binanggit ni Salo na pangunahing dahilan kung bakit hindi mabigyan ng full entitlement ang mga contractual, casual o job order employees ay dahil wala silang eligibility para maging kuwalipikado at ma-regular sa kanilang trabaho.

Bilang solusyon ay ipinaloob ni Salo sa kaniyang panukala na awtomatiko silang mabibigyan ng civil service eligibility kapag nagtagal sila sa kanilang trabaho nang tatlong taon.

Nakasaad din sa panukala ni Salo na kahit naputol ang serbisyo subalit nakapagserbisyo nang kabuuan ng limang (5) taon ang isang contractual, casual o job order employees ay pagkakalooban pa rin ito ng civil service eligibility.

Diin ni Salo, kailangan din maging ehemplo ang gobyerno sa private sector lalo na’t itinutulak ng estado na tapusin ang “endo” o 5-5-5 scheme at sumunod sa Labor Code na sa loob ng anim na buwan ng employment ay dapat ma-regular ang kanilang mga empleyado.

Facebook Comments