Inihain na sa plenaryo ng Senado para talakayin at aprubahan na ang panukalang batas na magbibigay ng 25-taong prangkisa sa kompanyang “Lucky 8 Star Quest Incorporated”
Ito ay para magpatakbo ng sabong at mag-broadcast nito sa internet, na tinatawag na e-sabong.
Sasailalim ito sa supervision at regulation ng mga lokal na pamahalaan o kaya ng games and amusement board habang magtatalaga ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng auditor at inspector para mag-supervise at mag-regulate ng pustahan.
21 taong gulang at pataas lang ang pwedeng pumusta rito.
Sa sponsorship speech ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe, ipinaliwanag niya na sa pamamagitan ng prangkisa ay ma-oobliga ang Lucky 8 na makipagtulungan sa gobyerno.
Sabi ni Poe, ito ay para matugunan ang mga negatibong nangyayari sa e-sabong gaya ng mga pagsusugal dito ng mga menor de edad, at pagiging bisyo nito.
Sa ganitong paraan ay magkakaroon ang Lucky 8 ng pananagutan at transparency at mas kikita rin ang gobyerno.
Sabi ni Poe, ipinasok nila sa franchise bill na maniningil ang PAGCOR ng P200 million na regulatory fee at ang bahagi ng kikitain ng Lucky 8 ibibigay sa mga ospital ng gobyerno.