Inaprubahan na ng House Committee on Constitutional Amendments ang accompanying bill at committee report ng Resolution of Both Houses No. 6 na nagpapatawag ng Constitutional Convention para sa pagsasagawa ng Charter Change.
17 kongresista ang bumoto pabor sa panukala na nagsusulong ng hybrid Con-Con kung saan iboboto at ia-appoint ang mga delegado at sila ay magsasagawa ng unang pulong sa November 20.
Base sa panukala, boboto ng isang kinatawan mula sa existing legislative districts na isasagawa sa October 30, 2023, kasabay ng Baranggay at Sanggunian Kabataan Elections.
Pipiliin naman ng Senate President at House Speaker ang appointed delegates mula sa iba’t ibang sektor, kasama ang tinutukoy na basic sector sa Social Reform Poverty Alleviation Act.
Kabibilangan ito ng retired members ng judiciary, akademya, legal profession, ekonomista, business sector, labor sector, mga magsasaka at mangingisda, indigenous cultural communities, kababaihan, kabataan, mga beterano, senior citizen at persons with disabilities, medical professionals at science professionals.
Kasama naman sa kwalipikasyon ng mga delegado ay dapat natural born citizenship, 25 years old sa araw ng eleksyon o appointment, may college degree, maliban na lamang sa marginalized sector at dapat ay hindi nahatulan ng kasong moral turpitude.