Panukalang batas para sa PCR testing sa vulnerable sector, lusot sa pinal na pagbasa sa Kamara

Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na layong magsagawa ng Polymerase Chain Reaction o PCR testing bilang COVID-19 testing protocol para sa vulnerable sectors ng lipunan.

Sa botong 240-Yes, 1-No, at 0-Abstenstion, aprubado ang House Bill 6865 o ang panukalang “Crushing COVID-19 Act,” na iniakda ni Iloilo Representative Janette Garin.

Layunin ng panukala na mapigilan ang pagkalat ng virus at maibaba ang mortality rate ng sakit sa pamamagitan ng early detection at management.


Ang mga isasalang sa PCR testing ay mga pasyente o healthcare workers na mayroong severe o critical at mild symtoms ng COVID-19, maging ang mga walang sintomas pero mayroong travel history o exposure.

Sakop din ng testing ang mga non-health frontliners na tumutugon sa health crisis kabilang ang mga tauhan na nasa temporary treatment at quarantine facilities, quarantine control points, National at Regional Local Risk Reduction and Management Teams, Barangay Health Emergency Response Team at iba pa.

Kailangan ding sumailalim sa PCR testing ang mga taong may iba pang karamdaman, mga dumarating sa Pilipinas galing ng ibang bansa, at mga quarantine pass holders.

Prayoridad din na isalang sa test ang mga healthcare workers, sales personnel sa public markets, groceries at supermarkets, food handlers, factory workers, construction workers, security guards, driver ng mga pampublikong sasakyan, bank at transfer fund facilities personnel, laundry shop workers, house helpers, caregivers, mga buntis, embalsamador, wellness at salon workers, uniformed personnel, media personnel, barangay health workers, at pamilya ng isang miyembro na nag-abroad mula December 2019 hanggang sa kasalukuyan.

Ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang sasagot sa gastos ng testing.

Facebook Comments