Panukalang Bayanihan 2, lusot na sa bicameral conference committee

Lusot na sa bicameral conference committee ang panukalang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na may bisa hanggang December 19, 2020.

Ini-anunsyo ito ni Senate Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na siya ring pinuno ng Senate panel sa bicam.

Ayon kay Angara, 140 billion pesos ang inilaan para sa Bayanihan 2 na gagamitin sa mga proyekto ng gobyerno na pantulong sa mamamayan at mga sektor na apektado ng COVID-19 pandemic.


Sabi ni Angara, bukod dito ay may inilaan din na 25 billion pesos na standby appropriations.

Binanggit ni Angara na hindi na rin kailangan ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Bayanihan 2 kaya agad itong maipapatupad sa oras na mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inaatasan din ng Bayanihan 2 ang Pangulo at Commission on Audit (COA) na mag-report sa Kongreso kada buwan kaugnay sa implementasyon nito.

Sabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, napagkasunduan sa bicam na maglaan ng 10 bilyong piso sa sektor ng turismo.

Sa nasabing halaga, ang 6 na bilyong piso dito ay para sa soft loans sa tourism micro and medium enterprises; ang 3 bilyong piso ay para sa tourism workers na nawalan ng trabaho at 1 bilyong piso sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa tourism infrastructure.

Ngayong hapon ay magkakaroon ng session ang Senado para ratipikahan ang bersyon ng Bayanihan 2.

Facebook Comments