Tuesday, March 17, 2026

Panukalang bigyan ng authority ang pangulo para pansamantalang suspendihin o bawasan ang excise tax sa petrolyo, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 1982 o ang pagbibigay ng authority o kapangyarihan sa pangulo na pansamantalang suspendihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo.

Sa botong 17 pabor, walang pagtutol at walang nag-abstain, naaprubahan ang panukala na layong maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo dahil sa nagpapatuloy na gulo sa Middle East.

Sa ilalim ng Senate Bill 1982, batay sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at sa koordinasyon sa Department of Energy (DOE), binibigyan ng authorization ang pangulo na suspendihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo kapag ang average price ng Dubai crude oil ay umabot o lumagpas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan.

Agad din namang ibabalik ang excise taxes sa langis kapag isang linggo matapos ang isang buwang average ng Dubai crude oil ay mas mababa na sa $80 per barrel ang presyo o makalipas ang tatlong buwan, alinman ang mauna.

Ang suspensyon o pagbabawas sa excise tax ay hindi lalampas sa isang taon at maaari lamang gamitin ang authority na ito hanggang December 31, 2028.

Facebook Comments