Panukalang bigyan ng kapangyarihan ang pangulo na magdeklara ng National Rice Emergency, isinulong sa Kamara

Isinulong ni Marikina Rep. Stella Quimbo na mabigyan ng kapangyarihan ang pangulo ng bansa na magdeklara ng State of National Rice Emergency ng hanggang anim na buwan.

Nakapaloob ito sa inihain ni Quimbo na House Bill 9030 o panukalang Philippine Rice Emergency Response Act.

Layunin ng panukala ni Quimbo na layong protektahan ang mga mamimili, magsasaka at retailers sa tumataas na presyo ng bigas.


Nakasaad sa panukala ni Quimbo na sa ilalim ng National Rice Emergency ay maaring umangkat ng bigas ang National Food Authority para mapanatili ang buffer stock.

Pwede ring hilingin ng pangulo sa Kongreso na ibaba o alisin ang ipinapataw na taripa sa imported na bigas.

Nakapaloob din sa panukala ang pahintulot na gamitin ang Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF sa mga programa na tutugon sa krisis sa ekonomiya tulad ng pagbibigay ng cash assistance sa mga magsasaka at iba pang apektadong sektor.

Facebook Comments